Security of Tenure (Privilege Speech)

DIWA Party-list Representative Emmeline Y. Aglipay has so far delivered 3 privilege speeches during the First Regular Session of the 15th Congress. These speeches touch on issues that Rep. Aglipay is most passionate about. In addition to delivering speeches on the floor, Rep. Aglipay has also filed bills that directly address the issues that she raises in her privilege speeches.

___________________

 

Copy of Rep. Emmeline Aglipay’s Privelege Speech on Security of Tenure

SECURITY OF TENURE: SUSI SA PANG-MATAGALANG KAUNLARAN

Matagal nang problema ang paglalapastangan sa karapatan ng mga manggagawa sa security of tenure. Lubhang malaganap na sa buong bansa ang pagpapatupad ng kontraktuwalisasyon sa paggawa at ang pagsasamantala ng negosyo sa mga manggagawa. Sa pamamagitan ng kontraktwalisasyon at job contracting ay tahasang nababaliwala ang katiyakan sa trabaho o security of tenure, ang mga demokratikong karapatan ng maggagawa at mga kondisyon sa paggawa.

Madalas, kapag may mga mungkahi na pasiglahin ang karapatan ng manggagawa at remedyohan ang mga abuso sa kanila, ito ay itinatanggi sa ngalan ng pambansang kaunlaran. Hindi mahiyain ang business sector natin na magpakitang-gilas para kalabanin ang mga panukalang-batas na layuning iangat ang kapakanan ng manggagawang Filipino. “Hindi dapat makialam ang gobyerno sa pamamamalakad ng negosyo!”, sabi ng iba. “Malulugi ang mga kompanya at lalayas ang mga foreign investors!”, madalas sabihin. Kaya nga’t ang ilang mga inihain na bill upang bigyang lakas ang security of tenure at solusyonan ang problema ng kontraktwalisasyon ay pinapatay bago pa man din ito mabigyan ng pagkakataong makapagpaliwanang.

Narito ako para magbigay ng makabagong perspektibo ukol sa relasyong negosyante at manggagawa. Pananaw na tapat sa kapakanan ng manggagawang Pilipino at buo sa paniniwala na ang pag-angat sa kalagayan ng ating manggagawa ay susi sa matagalan at matiwasay na kaunlaran ng Pilipinas, sa ilalim ng demokrasyang nagbibigay boses at buhay sa bawat isa sa atin. Layunin ko, sa ngalan ng DIWA party-list, na magmungkahi ng mga reporma sa batas at pagpapalawak at pagpapatibay sa security of tenure para sa ating manggagawa— isang panukala na tapat sa mga pangarap ng manggagawa ngunit hindi bingi sa mga lehitimong hinaing ng negosyo. At ang ultimong layunin ay mapaunlad ang Pilipinas.

Sa isang banda, malinaw na ginagarantiya ng Article 13, Section 3 ng konstitusyon ang karapatan sa security of tenure ng mga manggagawa, ngunit sa kabilang banda nama’y napagiiwanan na tayo ng ating mga kapitbahay sa Asya pagdating sa pagunlad. Nang dahil sa pagsulong at karagdagang kompetisyon sa isang globalized marketplace, ang karapatan na ito’y isinasantabi sa ngalan ng pangangailangan ng employer ng isang flexible na labor force para magkaroon ng pagkakataong makilahok sa pandaigdigang kalakalan. Nang dahil dito naging malaganap ang sistema ng kontraktwalisasyon.

 

Ang mga kontraktwal, kahit na sila’y gumagawa ng parehong trabahong ginagawa ng ibang regular na empleyado ay hindi nabibigyan ng mga benepisyo na itinitiyak sa mga regular employees ayon sa batas, tulad ng separation pay, mga benepisyo ng SSS at Philhealth. Wala silang karapatan para mag-sangguni, at sa collective bargaining, at kahit anong hirap ang gawin nila—kahit pauli-ulit ang pagpirma nila ng kontrata paglipas ng limang buwan, hindi sila makakuha ng seniority para sila ay ma-promote.

Ang layunin ng security of tenure ay para makapag-bigay ng kaluwagang-loob sa ating manggagawa na basta’t mananatiling mahusay ang kanilang trabaho, hindi nila dapat i-handa ang sarili at pamilya para sa kabuhayang isang kahig, isang tuka. Ngunit ayon sa mga istatistiko ng Bureau of Labor and Employment Statistics ng DOLE, ang pangarap na ito ay huwad para sa maraming Filipino. 31.47% lamang sa ating manggagawa, noong taong 2007, ang nasasailalim sa mga social security schemes tulad ng SSS o GSIS. 1.68% lamang sa ating manggagawa ang nasasailalim ng isang collective bargaining agreement. Hindi natin maiiwasan ang kongklusyon na kahit anong proteksyon pa ang ibinibigay sa kasalukuyang batas para sa manggagawang Filipino, sila ay, tulad ng dati, lugi pa rin.

Bagamat nakasaad sa Konstitusyon at sa Labor Code na may security of tenure ang mga manggagawa, nananatiling isang problema ang kontraktwalisasyon dahil sa ang kasalukuyang mga batas at regulasyon ng DOLE ay nagbibigay daan para lehitimong makaiwas sa pag-reregularisa ng mga empleyado. Pinagsasamantalahan ng ilang mga employer ang mga butas sa batas upang madaya ang mga empleyadong may karapatan maging regular na manggagawa.

Ayon sa Labor Code, ang isang regular na empleyado ay gumagawa ng trabahong necessary or desirable sa pangkaraniwang negosyo ng employer. Ngunit sa kasalukuyang pamamalakad ng ibang employer, kahit ang mga trabahong kinakailangan sa pangkaraniwang negosyo ng employer ay ipinapasa sa mga kontraktwal na empleyado at ipinapailalim sa mga kontratang pang-limang buwan lamang para makaiwas sa mga karagdagang responsibilidad at gastos na kalakip ng pagreregularisa.

Sa kabuuan, may tatlong anyo ng kontraktwalisasyon:  Job contracting, fixed-term employment at pag-aabuso sa probationary status.

Ang job contracting ay ang pagsusuplay ng mga manggagawa sa mga kumpanya upang i-outsource ang paggawa ng isang tiyak na trabaho o serbisyo sa isang takdang panahon. Dahil sa DOLE Order 18-02—na siyang nagsisilbing regulasyon ukol sa Job Contracting—ang kontraktwalisasyon ay legal basta’t hindi siya labor-only contracting.

Ang labor-only contracting ay ipinagbabawal. Isa siyang kaayusan sa pagitan ng isang kontraktor at prinsipal na employer. Ang tanging papel ng kontraktor ay mag-suplay ng mga manggagawa upang gampanan ang trabaho ng prinsipal. Laganap ang ganitong pamamalakad mula sa maliliit hanggang sa malalaking mga negosyo at pabrika kung saan ina-outsource ng mga prinsipal na employer ang ilang bahagi ng kanilang proseso sa produksyon sa mga diumanong subcontracting company o agency.

Ang mga di malinaw na probisyon ng Labor Code at ng DOLE Order 18-02 ay nagsisilbing lehitimong  daan upang kahit na ang trabahong necessary or desirable sa negosyo ng employer—na dapat regular na employado ang gagawa—ay lehitimong nai-cocontract-out na. Para masulusyonan ito kinakailangang linawin sa probisyon ng Labor Code ukol sa depenisyon ng contracting na ang trabahong kinakailangan sa pangkaraniwang negosyo ng employer ay dapat regular na empleyado lang ang gagawa. Sa medaling salita, dapat ipagbawal ang job contracting sa mga trabahong kinakailangan sa pangakaraniwang negosyo ng employer.

Ang pangalawang anyo naman ng kontraktwalisasyon ay ang fixed-term employment kung saan karaniwang pinapapirma ang manggagawa ng isang kontrata na may takdang panahon mula tatlo hanggang anim na buwan upang maikutan ng mga employer ang probisyon sa batas ukol sa pagreregularisa sa mga kaswal at probisyonaryong manggagawa.

Ganito ang naging karanasan ng mga nakausap kong mga manggagawang miyembro ng DIWA na nagtratrabaho sa isang Export Processing Zone. Ang kanilang kwento ay hindi naiiba sa nangyayari sa libo-libong mga empleyado sa bansa. Sa panimula, sila ay pinapapirma ng employment contract kung saan nakasaad na hanggang limang buwan lamang sila kukuning empleyado. Dahil limang buwan lamang ang kontrata, wala silang pagkakataaon na maging regular na empleyado. Pagkatapos ng limang buwan, nagpapalipas ng ilang linggo o buwan, at saka sila’y papipirmahan muli ng five-month contract. Sa panibagong kontrata kontraktuwal pa rin sila. Naaabuso ng employer ang sipag, tiyaga, at galing ng kanilang empleyado na hindi nagbibigay ng nararapat sa seguridad ayon sa batas.

Nang dahil sa kawalan ng depinisyon sa Labor Code kung ano ang fixed-term employment at kung ano ang mga pwede at hindi pwedeng pumailalim sa isang fixed-term employment contract, nagiging isang malaking butas ito sa ating batas na pinagsasamantalahan ng ilang mga employer.  Kinakailangan bigyan na ng depinisyon ang fixed-term employment, linawin, at bigyang katiyakan ang mga pagkakataon na pwede ang fixed-term employment.

Tinatanggap ko na may mga pagkakataong kailangan ang isang fixed-term employment contract dahil sa uri ng trabahong kailangan gawin—tulad ng mga project employees na itinakda para sa isang tiyak na proyektong hiwalay at naiiba sa pangkaraniwang negosyo ng employer, o di kaya’y mga Overseas Filipino Workers, o mga construction worker, o part-time na empleyado.

Hindi naman ako bingi at sarado sa mga pangangailangan ng business sector upang magkaroon ng laban ang ating mga produkto’t serbisyo sa world market. Ito ang karaniwang punto ng mga negosyo laban sa regularisasyon. Hindi daw makakapag-kompitensiya ang kanilang mga produkto sa world market, malulugi lang sila, at di tayo uunlad. Bagamat kinakailangang protektahan ang karapatan ng mga manggagawa, kinakailangang balansihen ito sa realidad ng globalisasyon at ang ating kagustuhang makilahok dito’t umunlad ang ating ekonomiya. Kaya’t kinakailangan ding bigyan ng pagkakataon ang ilang mga industriya na magkaroon ng fixed-term employees kung mapatunayan ng industriya na nalulugi ito dahil sa pagtaas ng halaga ng paggawa na nagdulot ng pagkawala ng kakayahan nitong makipagkompitensiya sa world market. Ngunit hindi dapat pang-habang-panahon ang pahintulot sa pagkakaroon ng fixed-term employees ng mga industriyang ito—sapat lang dapat para mabigyan ang industriya ng panahon upang makabawi sa pagkalugi at makilahok muli sa pandaigdigang kalakalan.

Ang huling anyo ng kontraktwalisasyon na pinapayagan sa kasalukuyang batas ay ang probationary employment. Makatarungan ang pagkakaroon ng probationary employment para suriin ang isang empleyado sa loob ng probationary period na anim na buwan. Ngunit hindi makatarungan ang pag-abuso sa probationary employment upang makaiwas sa pagreregularisa sa mga manggagawa. Napaka-rami kong nakausap na mga manggagawa at miyembro ng DIWA na pinapapirma ng isang  kontrata para sa probationary employment na anim na buwan. Pagkatapos o bago pa man din matapos ang anim na buwan, sasabihing hindi sila pumasa sa mga kwalipikasyong hinahanap ng employer. Ang problema, tila walang pumapasa sa mga standard at pamantayan ng employer at sa tuwing matatapos ang isang probationary na kontrata, may bago na namang pasok na probationary na empleyado. O di kaya’y sa isang daan na probationary na empleyadong kinukuha ng employer, halos lahat, o kung hindi man lahat na nga talaga,  ay hindi nakakapasa sa standard para maging regular. Lumalabas nalang na lahat o halos lahat ng empleyado ng isang kompanya ay probationary, at walang regular.

Dapat isaad sa Labor Code na sa tuwing may ebidensiya na una, ang derederetsong pagtanggal ng kompanya ng lahat o halos lahat ng kanilang probationary employees pagkatapos ng probationary period, at ang kasunod na pagkuha ng panibagong grupo ng mga probationary employees; at pangalawa, ang pagkakaroon ng higit na maraming probationary employees kung ikukumpara sa regular na employees— ay magsisilbing rebuttable presumption na ang isang employer ay umiiwas lang sa pag-reregularisa sa kanyang mga empleyado, at nilalabag niya ang Labor Code. Pero dahil isa lamang itong rebuttable presumption, maaring patunayan ng employer na hindi ganito ang pakay niya.

Bilang kinatawan ng DIWA, isang grupo na lumalaban para sa dignidad ng bawat manggagawa, daan-daang manggagawa ang aking nakaengkwentro, nakausap bago pa ang kampanya, at na-konsulta ukol sa isyung ito. Kung kaharap ninyo ang mga manggagawang apektado sa kontractwalisasyon habang nilalabas nila ang kanilang mga hinaing, hindi mo maiiwasan ang makiramay sa kanila. Subalit, sa pananaw ng iba, ang kalagayang ito ay isang “necessary evil”. Ang pag-pasa raw ng batas na higit na pinagbabawal ang kontraktwalisasyon ay magreresulta sa pagka-lugi ng mga negosyo at pag-likas ng foreign investment. Kailangan daw ng flexibility ng employer para magkaroon siya ng lugar sa makabagong ekonomiya. Ngunit ang pananaw na ito ay nakatali sa ideolohiya na ang kapakanan lamang ng kapitalista ang may saysay para sa kaunlaran. Hindi ito totoo.

Ang Commission of the European Communities, sa ilalim ng European Union, ay naglabas ng “Green Paper” ukol sa “Modernizing labor law to meet the challenges of the 21st century”, at nakasaad doon na kinakailangang ng mga makabagong batas para paunlarin ang flexibility kasama ng employment security. Hindi totoo na ang flexibility ng employer lamang ang kailangang alagaan sa makabagong pang-mundong ekonomiya – kasing-halaga ang pag-siguro ng employment security.

Dapat nating ituring ang security of tenure hindi bilang pahirap lamang sa kalakalan, pero bilang isang investment para sa isang mas produktibo at ekspertong manggagawang Filipino. Kung alam ng isang regular na empleyadong may pagkakataon siyang umangat sa isang kompanya base sa kanyang job performance, magiging mas produktibo siya at gagalingan niya sa trabaho. Ngunit kung alam din naman niya na matatanggal siya pagkatapos ng lima o anim na buwan, wala siyang insentibong pagbutihin ang kanyang trabaho. Bukod dito, ang security of tenure ay siyang makakapagbigay ng pagkakataon para sa isang empleyado na makapagtagal sa trabaho na makakuha ng hustong husay para maging “world-class” na eksperto sa kanyang linya.

Ang security of tenure ay nakapagpapalago din ng ekonomiya sa pamamagitan ng pagtaas ng consumer spending. Mabibigyan ng lakas ng loob ang isang regular na empleyado o ang empleyadong may security of tenure na mag-invest sa bahay at lupa kung may kasiguraduhan siya na kahit sa paglipas ng anim na buwan ay may trabaho siya, at hindi siya pwedeng tanggalin sa trabaho ng walang dahilan sa batas. Makakapagplano siya kung magkano ang maiaambag niya bawat buwan sa pambili ng mga investment kung mayroon siyang kasiguraduhan sa trabaho niya at sa sweldong tatanggapin niya bawat buwan. Mabibigyan din siya ng kompiyansang mag-invest sa edukasyon ng kanyang mga anak kung alam niyang may kasiguraduhan ang kanyang trabaho. Dahil dito, mas maraming makakapagaral at makakapagtapos. Kung ang matagalang kaunlaran ng Pilipinas ang siyang inaalagaan, ang pagpapalakas ng security of tenure sa ating bayan ay kinakailangan.

Huwag sana nating isarado agad ang ating isipan sa pag-reregularisa sa mga manggagawa. Oo, tataas ang halaga ng paggawa, ngunit ang pangmatagalang epekto ng paglawak ng kasiguraduhan sa trabaho o job security sa pamamagitan ng security of tenure ay magiging susi sa ating pagunlad. Malaki ang maitutulong ng security of tenure sa pag-agap ng problemang pag-lawak ng pagitan ng mayayaman at mahihirap. Dapat layunin nating bilang mambabatas na palawakin ang mga nabibilang sa “middle class”, dahil ito ay susi sa pambansang kaunlaran.

Subalit, hindi tayo pwedeng magpikit mata sa mga short-term na pangangailangan, lalo na ngayon na nagsisimula pa lang tayo umusbong sa pang-global na ekonomiya. Mapapansin natin na yung iilang na sector na ayaw magpatupad ng regularisasyon, tulad ng mga export-oriented industries o yung mga call center, ay ang pinakamabilis na lumaganap na mga sector sa ekonomiya ngayon. Sa tindi ng pangangailangan natin ng pera na maipapasok sa ating sariling merkado, malaking pinsala ang maidudulot kung magsi-sialisan ang mga sector na ito dahil sa pananaw na tayo ay nagpapatupad ng programang laban sa mga investor. Ang kapakanan ng manggagawang Pilipino ay kabahagi ng kapakanan ng mga mangangalakal sa Pilipinas – sabay silang aangat o babagsak. Dahil dito, nababatid ko na marami pang pupuwedeng mapagusapan bago natin mapapalawig ang security of tenure. Bukas ang loob ko sa maaring maipayo ng hanay ng negosyo. Ang hangarin nating lahat ay ang kaunlaran ng buong Pilipinas, kasama ng mga manggagawang Pilipino.

Para sa DIWA, ang pag-rereporma at pagtibay sa mga probisyon ng Labor Code sa security of tenure ay pupuksa sa mapanirang practice ng kontraktuwalisasyon. Ngunit, anumang reporma ay dapat mag-ingat na hindi papatayin ang negosyo. Ang mga maaaring panandaliang pahirap sa mga kompanya ay kinakailangang para sa pang-matagalang pag-unlad ng Pilipinas. At ang kolaborasyon ng lahat ng mga apektadong sector ay dapat simulan para suriin at ayusin ang mahigit sa isang dekadang problema ng kontraktwalisasyon.

Ang global na ekonomiya ay hindi lamang nakasalalay sa kahihinatnan ng mga negosyante. Ang industriya ay hindi lumalakad dahil lamang sa utos ng mga manager. Ang kalakalan, global o lokal, ay pinapatakbo din ng pawis, sigla, at seguridad ng manggagawa. Integral na bahagi ang manggagawang Filipino sa global na ekonomiya, at napapanahon na na bigyang saysay ang kanyang boses. Dahil dito, sa usaping labor law reform, nangangailangan tayo ng pananaw na sadyang balansyado ang interes ng manggagawa at capital. Kung hindi, lulubog lang tayo.

Balak ko na isulong ang malawakang security of tenure sa kaparaanang walang mamamatay na negosyong Filipino dahil sa pagpapatupad nito. Ito ay para sa layuning bigyang higit na pag-asa ang kaunlarang ng ating bayang Pilipinas.

Maraming salamat at magandang araw sa inyong lahat.