PWDs, VAT-FREE NA!

Naisabatas na ang panukalang inakda ni Democratic Independent Workers’ Association (DIWA) Party List Representative Emmeline Aglipay-Villar bilang Republic Act 10754 o ang “Act Expanding The Benefits and Privileges of Persons With Disability (PWD).” Ayon kay Presidential Communications Secretary Hermino Coloma Jr., pormal nang nilagdaan ni Pangulong Benigno Aquino III ang naturang batas noong ika-23 ng Marso 2016.

 

Layunin ng RA 10754 pagkalooban ang PWDs ng 12% tax exemption para sa mga gamot, serbisyong medical, pamasahe sa iba’t ibang pampublikong transportasyon, mga kainan, at iba pang recreational services gaya ng mga sine, konsiyerto, karnibal, at iba pa. Bukod dito, mabibigyan din ng Php 25, 0000 income tax exemption ang mga kamag-anak ng PWDs hanggang sa ika-apat na civil degree of affinity, o ang mga namumuhay at nangangalaga sa mga PWD. Pinaiigting ng naturang batas ang kasalukuyang Magna Carta for Disabled Persons, na nagsasaad na makatatanggap ng 20% discount ang mga may kapansanan sa mga pampubliko at medikal na serbisyo, samantalang 5% naman para sa mga produktong komersyal.

 

Ayon kay DIWA Rep. Aglipay-Villar, “It is important to promote the welfare of our PWDs through benefits that address the unfavorable circumstance and condition that have limited their activities and opportunities. Our policies should cater to them in order to give them better care and attention.

 

Dagdag pa ni DIWA Rep. Aglipay-Villar, kinakailangang magsabatas ng mga panukalang tumutugon sa mga pangangailangan hindi lamang ng mayorya sa ating lipunan, kundi maging ng mga minoridad gaya ng mga may kapansanan. Aniya, isang malaking hakbang ang pagsasabatas ng RA 10754 tungo sa pagkakaloob sa mga serbisyong matagal nang dapat tinatamasa ng mga may kapansanan at ng kanilang mga tagapangalaga. Gaya ng ating senior citizens, marapat lamang na matanggal na rin sa wakas ang 12% Value Added Tax (VAT) sa halos 1.5 milyong may kapansanan sa bansa.

 

Pansamantalang nangamba naman ang mga organisasyon ng PWDs na maaaring hindi ito aprubahan ni Pangulong Aquino, gaya ng isinusulong na Php 2, 000 pension hike para sa mga Social Security System pensioners noon, dahil sa kakulangan sa budget. Ikinatuwa naman nang lahat ng mapirmahan na ng pangulong Aquino ang batas kamakailan. Iginiit ni DIWA Rep. Aglipay-Villar na sisigurihin nila ang mabilis na pagpapatupad nito, sa tulong ng Department of Health, Department of Finance, at ng National Council on Disability Affairs.

 

Umaasa si DIWA Rep. Aglipay-Villar sa pagsasabatas nito, mas mapauunlad na ang kalidad ng pamumuhay ng ating mga may kapansanan. Kabilang sa mga nagsulong nito ay sila Senators Angara, Aquino, Binay, Recto, Villar, at Legarda. Kabilang din sa may mga akda ay sila Representatives Romualdez, Calixto-Rubiano, Garin (S.), Defensor, Acosta-Alba, Aliping, Pichay, Suansing, Noel, Antonio-Nadres, Nava (P.), Sarmiento (M.), Dela Cruz, Oaminal, Quimbo, Sy-Alvarado, Abueg, Norgrales, Rodireguez (R.), at Piamonte.

 

Ang DIWA Party-list ay isang organisasiyon na naglalayong pangalagaan ang karapatan at kapakanan ng mga manggagawa, magbigay-oportunidad sa ikauunlad ng mga manggagawa, at magbukas ng daan tungo sa isang makatarungan, makatao, at malayang lipunan.