Parusa para sa hindi pagbibigay ng wastong sahod, pinagtitibay ni DIWA Rep. Aglipay – Villar

Buo ang loob at paniniwala ni Democratic Independent Workers Association (DIWA) Party List Representative Emmeline Aglipay – Villar sa kakayahan at karapatan ng bawat manggagawang Pilipino, kung kaya’t patuloy pa rin niyang ipinaglalaban ang pagbibigay ng wasto, sapat, at regular na sahod.

Sinimulan niya ang laban noong 2010, sa ilalim ng House Bill No. 1817, na naglalayong protektahan ang mga manggagawa ng pampribadong sektor na tumatanggap ng minimum wage mula sa mga kompanyang hindi magbibigay ng sapat na sahod. Ipinagpapatuloy naman ni DIWA Rep. Aglipay – Villar ang adbokasiyang ito sa House Bill No. 125 o ang Act Increasing the Penalties for Non-Compliance with the Government Prescribed Minimum Wages na nagpapalawig sa saklaw ng Republic Act No. 6727 o ang Wage Rationalization Act of 1989. Layon ng naturang panukala ang pagpapataas ng kaparusahan ng mga kompanyang hindi magbibigay ng kaukulang sahod sa kanilang mga manggagawa.

Isinusulong ng House Bill No. 125 ang pagpapataw ng parusa sa sinumang lalabag sa mga polisiya ng wastong pagpapasahod. Kinakailangan nilang magbayad ng Php 25,000 hanggang Php 100,000 at Php 100,000 hanggang Php 300,000, depende sa bilang ng mga manggagawang apektado ng kanilang paglabag. Dagdag pa rito, kinakailangan rin nilang magbigay ng kaukulang kabayarang hindi bababa sa Php 50,000 para sa bawat manggagawang apektado, at akuin ang mga magagastos para sa kani-kanilang mga abugado.

Ayon sa datos ng Department of Labor and Employment (DOLE), dahil sa neoliberal na mga polisiya, mas may kalayaan na ang mga kapitalistang kompanya sa pampubliko at pampribadong sektor na tumanggap at magtanggal ng mga manggagawa – bagay na nangangahulugan patuloy na tumataas ang mga irregular at contractual na empleyado. Ito rin ang sanhi kung bakit parami nang parami ang mga empleyadong kumikita ng mas mababa sa minimum wage at nabibigyan ng halos walang benepisyo. Dagdag pa rito, tumatayang halos 3.44% o 26,200 lamang sa halos 800, 000 na mga kompanya ang sumailalim sa inspeksyon ng DOLE noong 2008. “Admittedly, DOLE is undermanned to conduct consistent monitoring and enforcement strategies, the actual non-compliance rate may in fact be higher,” ani DIWA Rep. Aglipay – Villar.

(“Sa totoo lang, malaki ang kakulangan ng DOLE sa tao upang maipatupad ang masusing pagmo-monitor at pagpapatupad ng minimum wage, kung kaya’t maaaring tumaas pa lalo ang bilang ng mga kompanyang lumalabag sa patakarang ito, ani DIWA Rep. Aglipay – Villar.

Dagdag pa niya, kapansin-pansin na mas mababa ang minimum wage rates sa ideyal na living wage ng bansa. Bunsod nito, isa sa bawat limang manggawang Pilipino ang walang sapat na kakayahang bigyan ang kanilang mga pamilya ng maayos na pamumuhay dahil mas mababa pa ang sweldo nila kaysa sa halagang kailangan nila upang makasabay sa tumataas na presyo ng mga bilihin.

“Workers have been experiencing worsening poverty and hunger because of non-compliance to wage practices, while capitalists keep earning huge profits. Increasing the penalty for non-compliance will, thus, serve as a deterrent to the commission of wage violations by unscrupulous employees” giit ni DIWA Rep. Aglipay – Villar.

(“Ilang dekada dinaranas ng mga Pilipino ang patuloy na lumalalang gutom at kahirapan dahil sa hindi pagbibigay ng mga kompanya ng wastong sahod. Sa kabilang dako, patuloy naman ang pagpapayaman ng mga kapitalista. Naniniwala kaming makatutulong ang pagpapabigat ng kaparusahan sa paglabag sa pagbawas sa bilang ng mga naaabusong manggagawa at sakim na mga kompanya,” giit ni DIWA Rep. Aglipay – Villar.)

Umaasa si DIWA Rep. Aglipay – Villar na kaakibat ang mga pinabigat na kaparusahang ito at ang masusing pagmamatiyag ng DOLE, mas masisiguro ang proteksyon ng mga manggagawa at ang halagang karapat-dapat nilang matanggap.

Ang DIWA Party-list ay isang organisasiyon na naglalayong pangalagaan ang karapatan at kapakanan ng mga manggagawa, magbigay-oportunidad sa ikauunlad ng mga manggagawa, at magbukas ng daan tungo sa isang makatarungan, makatao, at malayang lipunan.