Pagsasabatas ng workplace safety standards, isinusulong ni DIWA Rep. Aglipay – Villar

Pagprotekta at pangangalaga sa kaligtasan ng mga manggagawa – ito ang adbokasiyang isinulong ni Democratic Independent Workers Association (DIWA) Party List Representative Emmeline Aglipay – Villar sa “Beyond Politics” forum ng ABS-CBN News Channel noong ika-12 ng Abril 2016.
Ayon kay DIWA Rep. Aglipay – Villar, isa sa mga pangunahing kakulangan ng ating saligang batas ang mga panukalang naniniguro sa kaligtasan at kalusugan ng mga manggagawa. Aniya, panahon na upang mabigyan ito ng sapat na atensyon sa kongreso dahil na rin sa kaliwa’t kanang mga aksidente ng mga manggagawa magmula ang kasalukuyang administrasyon.
Kabilang sa mga pinakahuling pangunahing naitalang aksidente ang sunog sa Kentex factory noong 2015, kung saan binawian ng buhay ang 74 na manggagawa. Bagamat binigyan ng kaukulang kabayaran ang mga pamilya ng mga naulila, iginiit ni DIWA Rep. Aglipay – Villar na naiwasan sana ang naturang aksidente kung nasunod lamang ang mga wastong regulasyong pangkaligtasan. “We should increase the enforcement and visitorial powers of the secratary of labor to ensure that these occupational health and safety standards are followed,” ani DIWA Rep. Aglipay – Villar.
(“Kinakailangan rin nating palawigin ang kapangyarihan ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa pagpapatupad mga naturang panukala upang masigurong masusunod ang wastong pamantayan,” ani DIWA Rep. Aglipay – Villar.)
Dagdag pa niya, kinakailangang maisulat sa batas ang pagpapakulong sa mga miyembro ng mga kompanyang lalabag sa mga naturang regulasyon upang masigurong susundin nila ang mga ito.
Bukod pa rito, isinusulong rin ni DIWA Rep. Aglipay – Villar ang regularisasyon ng contractual workers. “Contractual workers who do the work that regular workers do are essential to the core business of the employers, and should, therefore, become regular employees and receive the benefits attached to it,” ani DIWA Rep. Aglipay – Villar.
(“Isa sa mga pangunahing pundasyon ng isang negosyo ang contractual workers na gumagawa ng trabahong katumbas ng regular workers, kung kaya naman marapat lamang na gawin silang regular na mga empleyado upang tumanggap ng wastong mga benepisyo,” ani DIWA Rep. Aglipay – Villar.)
Giit pa niya, madalas na ginagawang dahilan ng mga kompanya ang fixed term employment at probationary employment upang maiwasan ang pag-regularize sa mga manggagawang pumirma ng mga kontratang hindi tatagal nang higit sa anim na buwan.
Nais ring isulong ni DIWA Rep. Aglipay – Villar sa kongreso ang pagsasabatas ng panukalang nangangalaga sa informal sector workers. Aniya, bagamat naipasa na ng DIWA ang Batas Kasambahay na naglalayong pangalagaan ang karapatan ng domestic workers, kinakailangan pa ring mapalawig ang saklaw nito hanggang sa iba pang informal sector workers na karapat-dapat rin tumanggap ng mga benepisyo tulad ng Social Security System, Philhealth, at PAG-IBIG o Home Development Mutual Fund.
Ang DIWA Party-list ay isang organisasiyon na naglalayong pangalagaan ang karapatan at kapakanan ng mga manggagawa, magbigay-oportunidad sa ikauunlad ng mga manggagawa, at magbukas ng daan tungo sa isang makatarungan, makatao, at malayang lipunan.